UPB Balay Internasyonal

Iskolar ng Bayan, may lugar ka ba sa loob ng pamantasan?

By Aleina Bañez | April 26, 2024
Image: Inang Laya at the University of the Philippines Baguio, beside which are democratic spaces. (Aleina D. Banez)

Mahalaga ang papel ng pagkakaroon ng campus ng University of the Philippines sa Baguio. Bukod sa pagkakaroon ng pagkakataon ng Cordillera at mga nakapaligid na lalawigan sa hilaga na mabigyan ng kalidad na edukasyon mula sa pamantasang pang-masa, nabigyan rin ng pagkakataon ang mga mag-aaral na mabigyan ng representasyon — pagkakataong maging Iskolar ng Bayan, para sa bayan. Ngunit sa kabila ng pribilehiyo na kumatawan, at makatawan ng isang institusyong naglalayong maging maka-masa, ang mga prosesong pinapatakbo sa loob ng pamantasan ay kataka-taka.

Sa University of the Philippines Baguio (UPB), bagama’t isang pamantasang naglalayong maghasa ng tulin at kagalingan ng mga maka-masang mag-aaral, matagal nang isyu ang kakulangan nito sa espasyo — espasyong minsan nang humahadlang sa pagtamasa ng mga mag-aaral nito ng tunay na diwa ng pagiging isang Iskolar ng Bayan. Hindi na kailangan ng salamin para malinaw na makita, sa unang pag-apak pa lamang sa pamantasan, ang katangi-tanging mga kongkretong gusali na tila iniwan lamang at tinubuan na ng halaman, mga bakal na istrukturang kinalawang, naiwanan ng panahon bilang kinahinatnan ng pandemya.

Ayon sa pagsusuri ng UPB Outcrop, ang UPB ay mayroong 21 na espasyong demokratiko, at ang ideal capacity ng mga espasyong ito ay nasa 1,755 na tao. Ngunit dahil dulot man ng pandemya o kakulangan sa pangangalaga, bawas ang capacity ng mga ito at nasa 1,590 na tao na lamang. Kung ang student population ng UPB at higit sa 2,700, 58.9% lamang ng mga mag-aaral ang may access sa mga espasyong demokratiko, o mga lugar na agad na magagamit ng mga Iskolar para sa anumang pang-akademiko o di-akademikong ganap nang hindi kinakailangang magpapirma ng green forms — mga dokumentong marahil ay nagsisilbing pormalidad, ngunit isa ring balakid sa daliang paggamit ng mga espasyong pang-mag-aaral.

Kung ganoon, ano nang mangyayari sa 41.1% na hindi nakakagamit ng mga espasyo sa sariling paaralan?

Oo nga naman, kung ang hiling ng masa sa loob ng pamantasan ay ang magkaroon ng mas marami pang espasyong demokratiko at pang-akademiko, ang isyu na ito ay hindi malulutas sa isang kisapmata. Kaya sana naman, sa kung ano mang mga espasyo ang umiiral sa kasalukuyan sa institusyon, lumihis sa pagiging byurokratiko ang administrasyon ng UPB.

Kung ang papel lang naman ng isang Iskolar ng Bayan ay simpleng pag-aaral lang, kung pagpasok at pakikinig lang naman sa klase ang gampanin ng isang mag-aaral ng University of the Philippines, siguro nga ay hindi ramdam ang isyu ng byurokrasya na laganap sa loob ng pamantasan. Ngunit hindi mahirap mahalata na bukod sa husay at dunong ng mga Iskolar ng Bayan, pinahahalagahan rin ng mga ito ang org culture, o ang pakikilahok ng mga mag-aaral sa mga organisasyon — pampulitikal, pang-akademiko man o hindi; o kahit man lang ang mga event na organisado ng mga ito. At sa pagpapatakbo ng mga organisasyong ito, kinakailangan ng ligtas na espasyo para sa diskurso at pagkilos na, bagama’t iba-iba ng pamamaraan, ay iisa lamang ang layunin na payabungin ang kamulatan ng bawat Iskolar.

Ayon sa isang student-leader sa UPB, isa sa higit na laganap na prosesong byurokratiko ay ang pagpapa-apruba at paglulunsad ng mga school events, hindi lamang ng mga student-led organizations, pati na rin ang mga ganap na planado ng faculty.

Kung ikaw ay isang organisasyon na nagnanais na magsagawa ng school-based event na kinakailangan ng espasyo at kagamitan sa loob ng pamantasan, tila bundok ng forms para sa iba’t ibang requests at approvals ang kailangan mong akyatin, at maaaring umabot ng buwan ang kailangan mong hintayin bago maaprubahan ang event. Dagdag pa rito ng student-leader, “kung saan-saan mo ipapasa yung paper mo,” dahil sa dami ng forms na kailangan mapapirmahan. Una, kinakailangan maaprubahan ang concept paper, ang dokumento na maglalaman ng mga detalye at posibleng kailanganin sa pinaplanong event. Pagkatapos nito, kailangan maaprubahan ng activity forms o ang green forms, at hiwalay pa rito ang mga forms na papa-aprubahan kung kailanganin man ng karagdagang kagamitan, tulad ng mga mesa o upuan, at iba pa. Sa gitna ng mga ito, sa iba’t ibang opisina ipapasa-pasa ang forms, iba-ibang opisyal ang maghihintayan ng pirma, na siyang sanhi ng lubusang pagkahaba ng prosesong byurokratiko sa pamantasan. Sa karanasan ng student-leader na ito, umabot ng tatlong buwan ang pag-aapruba ng mga forms na kinailangan para mailunsad ang event.

Kung tutuusin, ayon sa student-leader, ang pagkakaroon ng mga prosesong pormal sa isang institusyon ay mahalaga. Sa paraang pormal ay higit na makakasiguro ang mga bumubuo sa isang institusyon, lalo na sa pagkakataong magkaroon ng anomalya sa pinaplanong kaganapan, ay malinaw ang kung sinumang makatutuwid ng mga gusot. Ngunit, sa kabilang dako naman, kung ang pormal na prosesong ito ay yayamot lamang at hahadlang sa madaliang pag-access ng mga mag-aaral sa mga espasyong para din naman sa kanila, hindi kaya kailangan itong kwestyunin?

Ang panawagan ng mga student-leader sa UPB ay sana hindi na umabot ng ilang araw, ilang linggo, maging ilang buwan ang pag-apruba ng mga espasyong dapat at para din naman sa mga Iskolar ng Bayan.

Ang panawagan ko naman, kung ang Unibersidad ng Pilipinas ay naglalayong maging repleksyon ng ninanais na lipunan ng mga henerasyon sa hinaharap, sana naman ay hindi nito sinasalamin ang lipunang sinusubukan nitong baguhin. Kung ang pamantasan ay nagnanais ng inklusibo at demokratikong pagpapatakbo, sana naman ay bawas-bawasan nito ang mga prosesong byurokratiko. Kulang na tayo sa espasyo sa pamantasan. Sana naman, sa kung ano na ang mayroon sa ngayon, hindi na tayo hadlangan ng mga prosesong pwede naman sigurong bilisan.

At para sa isang taga-UP, hindi nananatili ang pagiging Iskolar ng Bayan sa loob ng apat na sulok ng silid-aralan. Kaya sana naman, mabigyan tayo ng pagkakataon na hasain ito sa loob ng sarili nating pamantasan. 

All opinion stories.
Reporting factual and critical stories of an Iskolar ng Bayan.

No Code Website Builder