UPB Balay Internasyonal

Makilahok, Makiisa, Makibaka!

Opinion co-written by Allan Canilang & Aleina Bañez | May 7, 2024
Image: Editorial Cartoon of Makilahok, Makiisa, Makibaka! (Gissa Mora)


Sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) nahuhubog kung paano mag-isip, kumilos, at kung paano tingnan ng mga mag-aaral ang realidad. Mismong ang pamantasan ay ipinagmamalaki ang kakayahan nitong bigyan ng kalayaan ang mga mag-aaral na makiisa sa mga pagkilos, mapa-pulitikal man o akademiko.

Subalit, sa kabila nito, sa kabila ng pagpapatupad ng mga prosesong demokratiko sa mga platapormang umiiral sa UP Baguio, tila hindi lubusang nakikisangkot ang mga Iskolar ng Bayan. Sa patong-patong na mga isyu sa loob ng paaralan, binibigyan ng pagkakataon ang masa sa loob nito na makilahok sa diskurso at aksyon, ngunit bilang mag-aaral, masasabi mo bang ikaw ay aktibong nakikiisa?

Sa piling pagkakataon ka lang ba nakikilahok ang mga Iskolar ng Bayan? Kung mismong ikaw na ang apektado, saka ka lang ba kikilos, sa loob man o labas ng pamantasan?

Para sa isang second-year BASS Economics student, mahalaga ang pagbigay ng pagkakataon sa mga mag-aaral na mailahad ang kanilang mga hinaing sa isang pormal na paraan, tulad ng mga Student Assembly, o kaya ng SCrutiny — isang pagsisiyasat ng UP Baguio Outcrop sa University Student Council — sa pag-iral ng demokrasya at kalinawan o transparency.

“Hindi lang naman tungkol sa mga isyu [sa student body], yung mga normal na struggles din natin, katulad nga sa [academic at democratic] spaces na laging na-re-raise sa mga student assemblies. Importante siya kasi naririnig nila kung ano yung kailangan natin as students,” aniya.

Kung ganoon, bakit kailangan pa nating mamilit na makiisa sa pagpapalakas ng boses ng demokrasya sa pamantasan? Ayon sa BASS Economics student, kailangan madagdagan ng mga nakikilahok na mga mag-aaral sa mga abenida ng demokrasya at kakaunti lamang ang mga nakikilahok sa mga ito.

“Sa friend group ko, may mga opinyon sila, pero hanggang doon lang kasi. Hindi sila uma-attend ng mga ganoong events, at para sa akin kailangan ngang madagdagan,” giit niya.

Inisyatibo ng USC ang mga student assembly na binubuo at nag-iimbita ng mga faculty members at mga opisyal ng administrasyon UP Baguio (UPB) upang mailahad ng student body ang kanilang mga hinaing, at ang tugon ng administrasyon sa mga ito. Ang pakikilahok ng mga mag-aaral sa ganitong mga kaganapan ay hindi sapilitan, kung kaya’t malaya ang mga Iskolar ng Bayan sa pakikiisa, o pagpapalampas ng pagkakataon.

Ang SCrutiny forms naman, bagama’t inaanyayahan ang buong sangkaestudyantehan na tugunan ang platapormang ito ng UPB Outcrop, ay hindi rin sapilitan. Mahalaga ang SCrutiny sapagkat may paninindigan itong pangahawakan ang USC sa kanilang mga naging proyekto, kung epektibo ang mga opisyal nito sa nagdaang termino, at dahil ito ang platapormang sumasaklaw sa UPB Student Council Elections.

Pero baka nga may iilan nang mag-aaral ang nakukulitan sa pag-anyaya ng UPB Outcrop na makiisa at sumubaybay ang sangkaestudyantehan sa SCrutiny, dahil tila kalakip ng kahalagahan nito ay ang patay-malisyang pagtingin ng ilang mga mag-aaral.

“Yung ibang mga kaibigan ko, never talaga silang nag-participate kasi ang rason nila, hindi naman required,” sabi ng BASS Economics student.

Hindi sapilitan ang ganitong klaseng mga kaganapan dahil ang diwa ng demokrasya ay ang kalayaan ng sinuman na makilahok sa mga prosesong napapaloob dito. Ngunit kaakibat ng kalayaang ito ay ang responsibilidad na manatiling maalam at masiyasat sa mga pangyayari sa ilalim ng demokrasya.

Ayon sa UPB Outcrop, ang nagdaang SCE ay nakakalap ng 60.74% na voter turnout, katumbas ng 1,578 na mag-aaral mula sa kabuuang 2,598. Sa panahon na ang kalayaan at demokrasyang umiiral sa lipunan ay kwestyunable, huwag nating panatilihin ang ating mga hinaing manatiling kaisipan lamang.

Sa mga panahong hindi lang iilan, kundi ang kalahatan ang maaapektuhan, sana’y paabutin natin bilang mag-aaral ng UP ng isang daang pursyento.

Nawa’y hindi lamang sa mga engrandeng pagkakataon nalilimitahan ang pagiging aktibo at pakikilahok sa mga usaping demokratiko. Kung sa labas ng pamantasan ay hinahangad nating matamasa ang tunay na demokrasya at aninaw ng pulitika at proseso ng gobyerno, nawa’y sumasalamin ang hangarin na ito mismo, bilang mamamayang Pilipino, sa pakikilahok natin sa mga pamamaraang demokratioko sa loob ng Unibersidad ng Pilipinas.

Iskolar ng Bayan, manatiling mulat, maalam, at matapang, sa loob man o labas ng pamantasan.

Makilahok, makiisa, makibaka! 

All opinion stories.
Reporting factual and critical stories of an Iskolar ng Bayan.

Offline Website Maker